Sa temang “Filipino, Wikang Mapagpalaya,” isinagawa ng Kalinga State University ang pagbubukas ng pagdiriwang para sa Buwan ng Wika sa Bantayog Wika ngayong ika-1 ng Agosto, 2024. Ang programa ay dinaluhan ng mga opisyales, guro, at mga kawani ng unibersidad.
Ang nasabing programa ay inumpisahan sa banal na misa na pinangunahan ni Fr. Melture D. Pasado, ng St.William’s Cathedral.
Sa kanyang pambungad na mensahe, Dr. Marilou B. Adora, Vice President for Academics and Student Development, sinabi nya na ang ating kultura at kaugalian ay nakasaad sa ating panitikan kung kaya’t ating basahin at intindihin dahil ito ang tulay sa kapayapaan.
Ayon kay Dr. Joy Grace P. Doctor, Vice President for Administration and Finance na humalili kay KSU Preident Eduardo T. Bagtang, ang ating wika ay sumasalamin sa ating kasaysayan at kultura, nagbibigay-boses sa ating mga pangarap, at nagbibigkis sa ating mga adhikain bilang isang bansa at nawa’y magsilbing inspirasyon ang buwan na ito upang patuloy nating pagyamanin at paunlarin ang ating wikang Filipino.
Samantala, hinikayat naman ni Gng. Lorrainne A. Ngao-I, Tourism Officer ng Kalinga ang mga guro at mag-aaral na magsaliksik tungkol sa ating mga katutubong wika, tuklasin ang kanilang kagandahan at itaguyod ang kanilang paggamit. “Tayo ang magiging tulay sa pagitan ng nakaraan at ng hinaharap, at sa ating kamay nakasalalay ang kinabukasan ng ating wika.”, dagdag pa niya.
Idinitalye naman ni Dr. Janette P. Calimag, Direktor ng Sentro ng Wika at Kultura ang mga katangian ng wika upang maging behikulo o daan ng pagpapalaya na naaayon sa tema nitong taon. Dagdag pa niya, “sadyang napakahalaga sa ating bansa na lubos na naiintindihan ng ating mga kababayan ang lahat ng mga dokumento at sulatin ng ating gobyerno at ito ay ang paggamit ng wikang naiintindihan ng nakakarami.”
Sa kanyang pangwakas na mensahe, hinikayat ni Dagupan Campus Administrator, Dr. James C. Guidangen ang lahat na patuloy na pahalagahan at ipagmalaki ang ating sariling wika at kultura.